Philippine Literary Mafia

I.

Nagsisimula ito sa ‘kulto ng mentorship’. May mga matatandang manunulat o ang tawag nila sa kanilang mga sarili ay ‘established writer’ ang magmamando o magtatayo ng isang literary organization para, usually, sa mga baguhan at batang manunulat. Sa loob ng ‘literary organization’ na ito sila ang magtatakda ng organizational dynamics o kung paano patatakbuhin ang ‘literary organization’ bilang isang konkretong samahan na may iisang cultural organization. At dahil ang mga ‘established writer’ ang mentor, may kapangyarihan sila, lalo na sa kanilang impluwensiya, na itakda sa literary organization ang kanilang mga pamantayan kung paano maging isang ‘established writer’ tulad nila: ang makasali sa mga pambansang palihan o workshop, manalo sa mga pakontes, at mailathala sa mga publikasyon–at sa panahon ngayon ng internet, ang maging popular sa social media o maging ‘rock star’ ng kontemporanyong Panitikang Pilipino.

Kaya sa loob ng ‘literary organization’ na ito makikita mo ang paglaganap ng dalawang kultura: ang ‘cult following’ at ‘careerist writing’. Ang mga bago at batang manunulat ay magiging ‘cult followers’ ng kanilang mga mentors; fandoms o ‘groupie’ ng rock star . Nangyayari ito dahil nga sa impluwensiya na itinakda rin mismo ng mga‘established-writer-cum-mentor’ sa loob ng ‘literary organization’. Ang problema rito palagi ay nasa lebel ng estetika: mapapansin mo habang lumalaki ang organisasyon, pare-pareho na ang kanilang pagsusulat, ang boses, tema, at ang mga problema na tinatalakay ng kanilang mga akda, ang kanilang pulitika. Mahalaga ang kalakaran na ito sa mga ‘established-writer-cum-mentor’ dahil sa ganitong paraan lamang nila mapananatili ang kanilang impluwensiya at katuturan bilang manunulat–at minsan, kahit hindi na sila magsulat at maglabas ng mga bagong akda. Ito rin kasi ang magbibigay proteksiyon sa kanila para mapanatili ang kanilang mga posisyon: una, sa ‘pormal’ man tulad ng sa loob ng akademya o directorship o panel sa mga palihan o guro ng malikhaing pagsulat sa isang unibersidad na may permanent employment status at ikalawa, ‘informal’. ‘Informal’ tulad ng kanilang katanyagan sa mga mambabasa o impluwensiya sa mga bago at kabataang manunulat at ang mga kasamang benepisyo nito. Ang mga ‘established-writer-cum-mentor’ ay palagi mong maririnig na magkukuwento ng tungkol sa kanilang mga pinagdaanan bilang mga batang manunulat hanggang sa kung paano nila naabot ang kanilang pagiging ‘established’, ang kanilang mga natanggap na karangalan, mga nadaluhang workshop, mga kilala pang mga manunulat na tila barkada lang nila at kaututang-dila sa mga inuman.

Kalingkis ng ‘cult following’ ang ‘careerist writing’. Sa mga huntahan sa loob ng mga ‘literary organization’ na ito maririnig mo palagi ang mga pakontes, national awards at workshops, at ang mga pangalan ng publishing company. Ang mga ito kasi ang itinindig na istandard ng mga ‘established-writer-cum-mentor’: magiging ‘established’ writer ka kung mananalo ka sa mga pakontes, Palanca halimbawa, makapasok sa mga national writers workshops at magkaroon ng mga kilala at kainumang ‘established’ writers din para magwagi ka sa mga pakontes o makapasok sa mga national writers workshop. Social capital, networking. At ang uso ngayon dahil napasok na rin ng sistemang mafiosi ang publikasyon, mailathala ka sa ilang mga publishing house dahil sa tulong, padulas, paandar ng isang ‘established-writer-cum-mentor’. At palagi mong maririnig ang paboritong linya ng isang ‘established-writer-cum-mentor’ sa kanilang mga transaksiyon: “Para ‘yan sa mga kabataang manunulat at sa kanilang development bilang manunulat” na ang pokus talaga ay hindi sa paglikha, kundi para sa manlilikha–esensiyal na pundasyon ng ‘cult following’ at ‘careerist writing’.

Kaya huwag kang magtataka na sa loob at labas ‘literary organization’ na ito may ‘pulitika’ o power struggle, nag-aaway-away ang mga kasapi. Huwag kang magtataka kung ang ‘established-writer-cum-mentor’ ay magiging ‘gate-keeper’ na rin o magtatalaga sila ng kanilang mga alter-ego sa loob ng ‘literary organization’. Minsan ang pag-aaway ay nagbabalat-kayong ideolohikal o pulitikal kuno, pero ang totoo: nag-aaway-away lamang ang kasapi para sa mas malapit na posisyon at lokasyon sa pagiging ‘established writer’ ng mga ‘established-writer-cum-mentor’ at ng kanilang sistema .

Ang ‘cult following’ at ‘careerist writing’ ay pundasyon ng isang sakit, kanser, ng literary community sa Pilipinas: ang padrino system. Hindi ito talaga tungkol sa pagsusulat, sa paglikha, sa pagwasak ng mga nakasanayan. Tungkol palagi ito sa kapangyarihan at kung sino ang kilala mo o kung kanino ka nakakapit.

At ang sistema ay magpapatuloy hanggang sa ang kultura at imprastraktura ng ganitong kalakaran ay dadalhin na ng mga naging produkto ng ‘literary organization’, ng kanilang mga frankenstein at zombie— hanggang sa sila na ang magiging ‘established-writer-cum-mentor’ na rin, ang magtatayo o magiging kasapakat ng establishment: uupong judge sa mga pakontes, panel sa workshop, ‘middleman’ ng mga publishing house, o adviser ng mga ‘literary organization’. At ang siklo ng ganitong saliwang proseso ng pampanitikan at kultural na produksiyon ay ipapasa sa mga bago at kabataang manunulat at magpapatuloy hanggang sa maging bahagi na ang pambansang panitikan na ang mithi talaga ay hindi pagsusulat, paglikha, pagwasak kundi kanonisasyon at pagpapanatili ng status quo.

II.

Siguro magtatanong ka at tatapunan ako ng paghusga bilang manunulat na sa sobrang dami ng problema ng Pilipinas, nagkaroon ka ng oras at lakas na pag-usapan ang pagsusulat at literary mafiosi sa Pilipinas. Siguro iisipin mo na ganito talaga ako kababaw. Tatanggapin ko ang lahat ng paghusga dahil itinuturing ko na rin itong pagtatapos ng isang usapin na may kinalaman sa akin nitong nagdaang mga araw.

Nitong nakaraang linggo, sa aking pananahimik, nagsimula na naman akong makatanggap ng atake mula sa isang manunulat na mula na kasapi ng isang ‘literary organization’. Matagal ko nang hindi pinapatulan ang mga atake dahil noon pa man alam ko na wala naman itong kinalaman sa aking mga sinusulat, naunawaan ko na bahagi lamang ito (ang rabid na pag-atake) ng isang sistema, ng kultura ng literary mafiosi-style sa Pilipinas. Pinatulan ko na lamang ito ngayon dahil may kinalaman na sa aking paniniwala at pagkatao ang atake at nasa orbit na ng pulitika ng aking mga sinusulat.

Nagsimula ang pag-atake na ito noong Mayo nang mailantad sa social media ng isang kilalang direktor at manunulat ang kalakaran ng manunulat na ito bilang ‘careerist writer’ ng ‘literary organization’. Inilantad na ang modus ng manunulat na ito ay ang makadalo sa mga national writers workshop, marahil natuklasan niya na sa ganitong paraan siya makakakuha ng akses sa mga ‘established-writer-cum-mentor’ ng mga establishment. Natuklasan ko kasi sa pagtatanong-tanong sa dati kong unibersidad na sa ganitong paraan pala siya nagsimula: nang ginamit niya ang unang workshop na nadaluhan sa UST bilang lunsaran ng kanyang ‘literary career’. Kaya ang galit niya sa akin ay hindi pampanitikan at hanggang impiyerno pa yata. May hinuha ako na ang galit na ito ay nang mailantad sa publiko ang gawain at kalakaran ng kanyang literary mafia, ng kanyang ‘literary organization’. Palagi, dapat kasi, ang mga galawang mafiosi ay patago, pailalim, malayo sa kritikal na diskurso.

At alam kong bilang na ang araw ko bilang manunulat dahil sa pagsusulat ng sanaysay na ito. Isa kasi itong paglalantad ng gawain at kalakaran ng literary mafia na na-obserbahan ko sa maikling taon sa loob ng akademya. Inaasahan ko na kukuyugin muli ako ng mga kasapi ng ‘literary organization’ na ito tulad ng ginawa nila sa akin noong Mayo nang unang mabunyag ang kanilang kalakaran para ipagtanggol ang produkto ng kanilang sistema, at ang kanilang frankenstein, ang kultura nila ng ‘cult following’. Hindi lang pala sila mga ‘rock star’ groupie, sila ay mga little monster ng mga ‘pop star diva’ rin.

At totoo ngang makapangyarihan ang mga nasa loob ng literary mafia na ito kung impluwensiya at soft power lang ang pag-uusapan. Nailathala muli ng manunulat na ito ang kanyang aklat na unang nailathala noong 2012. Sa aklat pa lamang bilang komoditi makikita mo na kaagad ang bahid o basbas ng sistema ng ‘established-writer-cum-mentor’ mula introduksiyon, blurbs, estetika, at lokasyon ng pulitika ng teksto na sumusuporta sa pambasang pulitika ng pamahalaan na pinatatakbo ng oligarkiya (at sa aklat na ito, ang lantarang promosyon ng labor export policy gamit ang aliwan sa fantasy production ng LGBT narratives) hanggang sa pamagat ng aklat na sumasapul sa saktong target market. At tunay ngang makapangyarihan ang impluwensiya dahil ang aklat na unang nailathala noong 2012 ay finalist ngayon sa 2016 National Book Awards. Hinihintay ko nga itong manalo nang mapatotohanan ko kahit na papaano ang claim sa nasaysay na ito.

Pero siyempre, ang tunay na panlaban palagi sa mafiosi ay ang ilantad sila sa publiko at hilahin sa mga kritikal na diskurso.

III.

Hindi kailangan ng isang manunulat ang maging ‘established’. Dahil sa paglikha, wala naman talagang ‘established’ sapagkat isa itong proseso rin ng pagwasak. Hindi kailangan ng manunulat ang isang ‘literary organization’, dahil ang pagsusulat lalo na sa sitwasyon ng postkolonyal na Pilipinas na pinatatakbo ng iilang pamilya ay mas may katuturan kung ito ay ang pagwasak ng institusyon, ng mga kung anumang ‘establish’ para lumikha ng bago at wasakin din pagkatapos. Hindi naman kailangan ng isang manunulat ang mentor; lahat tayo manunulat mas nauna nga lamang ipinanganak ang iba. At ang manunulat, habang lumalakad ang panahon, tumataas dapat ang antas ng pangarap ng kanyang pagsusulat at hindi nahihimpil para maging establishment, mga gusali at monumentong matatayog at matatag na nakatindig na parang hindi mapababagsak ng panahon at lindol. Ngunit ang mga monumento at gusali at may katuturan lamang sa isang panahon ng estetika na itinatakda ng kung sino ang nasa kapangyarihan: wala pa rin itong kinalaman sa paglikha, sa pagsusulat. Hindi kailangan ng manunulat ang ‘squad’ na magtatanggol sa kanya sa mga pag-atake ng mga nasa kabilang literary mafia. Mas makabubuti siguro sa manunulat ang mag-isang masaktan, mag-isang mabigo nang matutunan niyang mabigo nang may dangal at respeto sa sarili bilang manlilika. Hindi kailangan ng manunulat ang mga institusyon para makapagsulat, lumikha. Dahil ang pagsusulat mismo at ang manunulat, sa paliwanag nga ni Sartre, ay isa nang institusyon.

Ang tanging kailangan ng isang manunulat, kung ako ang tatanungin mo pero hindi naman ito nakataga sa bato, ay ang lahat ng hindi naisama sa ‘hindi kailangan’ na mga nabanggit sa itaas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.